
Isang senior citizen ang nasawi at mahigit 200 bahay ang nasira matapos bumuhos ang flash flood dulot ng malakas na ulan at epekto ng Shear Line sa Sagay City noong Sabado ng hatinggabi, Enero 31, 2026, ayon sa ulat ni George Cabalang, Operation and Warning Officer ng Sagay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Ayon sa datos ng CDRRMO noong Febrero 2, 2026, may 6,803 residente mula sa 1,776 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa evacuation centers matapos ipatupad ang preemptive evacuation ng lokal na pamahalaan bandang alas-7 ng gabi. Ang mga lumikas ay mula sa mga barangay ng Fabrica, Puey, Paraiso, Himoga-an Baybay, at Poblacion II.
Ani Cabalang, kinailangan ang evacuation dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa Himoga-an at Tan-ao Rivers, lalo na sa mga nakatira malapit sa baybay-ilog. Umulan ng matindi mula alas-2 ng hapon at rumagasa ang flash flood bandang alas-8 ng gabi sa nasabing limang barangay.
Makikita sa mga ibinahaging video ang rescue operations ng CDRRMO sa Purok Manipolon, Barangay Puey, habang ang iba pang residente sa Purok Mabuhay, Barangay Fabrica, ay nakalublob sa maputik na kalsada. Isang binyag ang hindi natuloy dahil tinangay ng flash flood ang mga kagamitan at handang pagkain. Ang nasawing senior citizen ay mula rin sa Barangay Fabrica.
Sa tala ng CDRRMO, may 101 bahay na tuluyang nasira at 175 na bahagyang nasira. Kasalukuyan nang isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang flashing at clearing operations, at namamahagi ng malinis na tubig sa evacuees at iba pang residente sa apektadong barangay. Wala pa ring datos sa nasirang taniman at apektadong hayop sa bukid.



