
Inihayag ng Office of the Ombudsman na kanilang maingat na susuriin ang affidavit na inihain para sa 18 umano’y dating sundalo, kabilang ang kredibilidad ng mga affiant at ang mga ebidensyang kalakip nito. Nilinaw ng tanggapan na ang dokumentong natanggap ay isang transmittal lamang ng affidavit at hindi pa isang beripikadong reklamo na magsisimula ng pormal na proseso.
Ayon sa pahayag, daraan ang isinumiteng dokumento sa standard evaluation process, kabilang ang pagsusuri sa sufficiency in form and substance, hurisdiksyon, at kung mayroong prima facie basis upang magpatuloy ang kaso. Binanggit sa affidavit ang ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan na umano’y maaaring lumabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Iginiit ng Ombudsman na nananatili itong isang independent constitutional body na ginagabayan ng ebidensya, batas, at due process. Binigyang-diin din ng tanggapan na hindi ito dapat gawing political arena, lalo na’t maraming personalidad ang nadawit sa mga alegasyon.
Samantala, isa sa mga pinangalanan sa affidavit ay si Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na iniuugnay umano sa ilang pagpupulong noong siya ay kalihim pa ng hustisya. Wala pa siyang pormal na pahayag hinggil sa usapin. Tiniyak ng tanggapan na kikilos ito nang may propesyonalismo, patas na pagtrato, at obhetibidad sa paghawak ng naturang referral.




