
The tatlong tao kabilang ang isang 80 anyos na lalaki ang sugatan matapos ang pagsabog ng mga paputok sa loob ng isang bahay sa Barangay San Juan, San Ildefonso, Bulacan nitong Miyerkules ng hapon. Ayon sa Bureau of Fire Protection, nangyari ang insidente bandang 4:20 ng hapon at naapula matapos ang halos 10 minuto.
Batay sa ulat ng pulisya, nakarinig ng malakas na pagsabog ang mga kapitbahay kaya agad silang tumawag ng tulong. Ang mga biktima na edad 80, 40 at 55 anyos ay agad dinala sa ospital matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan. Kasalukuyan silang nagpapagaling sa ospital.
Ayon sa salaysay ng isa sa mga biktima, inaayos niya ang cable wire ng kanilang telebisyon nang biglang mag-spark ang kable at masindihan ang mga nakaimbak na paputok sa bahay. Dahil dito, nagkaroon ng sunog at pagsabog.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP at BFP ang nangyaring aksidente upang matukoy ang puno’t dulo ng insidente.