
Inakusahan ng National Police Commission (Napolcom) chief na si Rafael Vicente Calinisan si fugitive businessman Atong Ang ng pagtatangkang manghimasok sa imbestigasyon kaugnay ng mga pulis na konektado sa pagkawala ng ilang sabungeros.
Ayon kay Calinisan sa panayam sa Philippine National Police Press Office sa Camp Crame, si Ang, na tinaguriang "sabong boss," ay diumano’y nagtangkang mag-intervene sa pamamagitan ng isang malapit sa kanya noong Hulyo 2025.
Inihayag ng Napolcom na dalawang grupo ang nagtangkang makialam sa imbestigasyon sa 12 aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP). Ang isa ay pinamumunuan diumano ng isang “sabong boss,” habang ang isa pa ay konektado sa isang lokal na opisyal ng gobyerno. Lahat ng pagtatangka ay mahigpit na tinanggihan.
Ani Calinisan, “Hindi ko siya pinangalanan noon dahil nasa gitna tayo ng imbestigasyon. Pero ngayon, nilabas na namin ang aming resolution.” Idinagdag niya na karapatan ng publiko na malaman ang totoong nangyari, at sinubukan ngang ayusin ni Atong Ang ang sitwasyon.
Noong nakaraan, inihayag ng Napolcom ang pagsibak sa 11 pulis at nirekomenda rin ang pagtanggal sa isang pulis general. Si Atong Ang, na kabilang sa most wanted persons, ay may arrest warrants dahil sa umano’y pagkakaugnay sa pagkawala ng mga sabungeros. Nag-alok ang DILG ng P10-milyong reward sa makapagtuturo ng kinaroroonan niya.



