
Patay ang 21-anyos na working student na si Jade Kirby Barona matapos saksakin ng ice pick sa dibdib sa Rodriguez, Rizal nitong Linggo ng madaling araw, February 8. Ayon sa mga ulat, sakay siya ng tricycle pauwi mula sa kanyang trabaho sa isang fastfood chain nang ihinto sila sa isang madilim na lugar.
Sa CCTV footage, makikita si Jade kasama ang kanyang katrabaho na babae habang naglalakad sa Pamantasan Road, Kasiglahan Village, Area 6, Barangay San Jose, bandang ala una ng madaling araw. Ilang saglit lang ay bumuntot sa kanila ang tatlong lalaki—dalawa ang lumapit habang ang isa ay nagsilbing lookout. Agad na nakuha ng mga suspek ang bag ng katrabaho ng biktima.
Bago pa man mangyari ang trahedya, sumakay ang dalawa sa tricycle pauwi mula sa trabaho. Ngunit sa halip na ihatid sa kanilang destinasyon, ibinaba sila sa isang madilim na kalsada kung saan sinalubong sila ng tatlong suspek. Pinatay si Jade matapos saksakin sa dibdib, at isinugod sa ospital ng isang tricycle driver, ngunit hindi na siya nakaligtas.
Ayon sa pamilya, abot-kamay na sana ni Jade ang kanyang pangarap, dahil nakatakda na ang kanyang graduation sa kursong Hospitality Management sa May 6. Pinagsabay niya ang pag-aaral at trabaho upang masuportahan ang pamilya, at pangarap din niyang maging seaman. Ang kanyang lola ay naglabas ng sama ng loob, na sana ay nakuha na lang ang gamit kung iyon ang layunin, sa halip na kitilin ang buhay ng apo.
Pinapush ng Rodriguez Police ang follow-up operations para mahuli ang mga suspek. Ayon kay Police Colonel Eleazar Ruga Barber Jr., mayroon nang lead at person of interest. Pinaiigting din ng barangay ang seguridad sa lugar. Panawagan ng pamilya at ng ama ni Jade: hustisya para sa biktima, bago siya ilibing sa February 18.

