
Arestado ang isang lalaki matapos mahuling nagnanakaw ng cable mula sa isang refrigerated truck sa gitna ng afternoon rush hour sa EDSA Pasay, pasado alas-4 ng hapon noong Lunes, February 2.
Ayon sa ulat mula sa Department of Transportation – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), pansamantalang nakahinto ang truck sa gilid ng EDSA Busway Pasay Station nang mapansin ng driver na si Kimuel Dugos na nawawala ang ilang metro ng cable at socket na nakadikit sa truck. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P15,000.
Sa obserbasyon ng driver, nakita niyang tatlong lalaki ang tumatakas bitbit ang ninakaw na cable. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na nakatalaga sa nasabing station.
Dahil sa mabilis na aksyon, nahuli ang isa sa mga suspek at nabawi ang mga ninakaw na gamit. Ang nahuling lalaki ay kasalukuyang nakakulong sa Coast Guard Investigation and Detection Management Service sa Taguig.
Inihahanda na ang kaso laban sa suspek na kakaharapin ang reklamo ng theft, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang dalawa pang kasamang suspek sa insidente. Ang pangyayaring ito ay nagpapaalala sa publiko na maging alerto sa mga krimen sa kalsada, lalo na sa mga lugar na matao tuwing rush hour.




