
The maximum suggested retail price (MSRP) ng five percent broken imported rice ay mananatili muna sa ₱43 kada kilo, ayon sa Department of Agriculture (DA) at kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Inaasahang ipatutupad sa Enero 16 ang pagtaas ng rice import tariff mula 15% tungo sa 20%, kapag nakumpleto na ang lahat ng regulatory at procedural requirements. Ayon kay Tiu Laurel, rerepasuhin lamang ang MSRP kapag epektibo na ang mas mataas na buwis.
Layunin ng desisyon na patatagin ang presyo ng palay, kasunod ng apat na buwang rice import moratorium na iniutos ni Pangulong Marcos noong Setyembre, upang suportahan ang farmgate prices sa panahon ng peak wet-season harvest.
Ayon sa DA, umabot sa 4.8 milyong metriko tonelada ang rice imports noong nakaraang taon, na nagdulot ng pagbaba ng palay prices hanggang ₱8/kilo sa ilang lugar bago ang import ban.
Matapos ipatupad ang import freeze, umangat ang presyo ng palay sa humigit-kumulang ₱17/kilo para sa wet palay at ₱23/kilo para sa dry palay sa ilang rehiyon. Pagkatapos mag-expire ang ban sa Disyembre 31, papayagan ang pagpasok ng 500,000 MT ng bigas, kung saan 50,000 MT ay ilalaan sa Food Terminals Inc.




