
Ang isang 20-anyos na babae, na street dweller, ay arestado matapos nitong agawin ang isang taon at pitong buwang gulang na bata sa Bgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City noong Disyembre 10. Hanggang ngayon, nawawala pa rin ang bata na kinilalang si Kiana Jane.
Ayon kay Melvin Lorejas, ama ng bata, naghahanda sila ng hapunan sa labas ng convenience store nang alukin sila ng suspek ng libreng ulam. Dahil gusto makatipid, pumayag sila. Pagkalipas ng 10 minuto, hindi na bumalik ang babae kaya kinabahan sila.
Nakuhanan ng CCTV ang suspek na umaalis sa convenience store habang karga ang bata. Ayon kay Lt. Col. Michael John Villanueva, kilala ng magulang ng bata ang suspek at parang naipagkatiwala ang bata dito. Nang arestuhin ang babae noong Disyembre 12, wala na ang bata sa kanya.
Depensa ng suspek, naaawa siya sa bata kaya niya kinuha. Nahaharap na siya sa kaso ng child abuse at kidnapping. Nakipag-ugnayan ang pulisya sa barangay para palakasin ang paghahanap sa bata.
Humihiling ang ama sa publiko, kung may makakita kay Kiana Jane, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na pulisya o tawagan siya sa 0912-939-01-38.

