
Ang 77-anyos na ginang sa Bgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal ay patay matapos saksakin ng 81-anyos na asawa habang natutulog noong madaling araw ng December 12.
Kwento ng 58-anyos na anak, gising siya nang marinig ang malakas na sigaw mula sa kwarto ng mga magulang sa unang palapag. Nakahingi pa umano siya ng tulong sa barangay at pulis, pero wala nang buhay ang ina dahil sa malalim na sugat sa kaliwang bahagi ng leeg.
Ayon sa pulis na si Patrolman John Marvin Molina, walang naging pagtatalo ang mag-asawa bago ang insidente. Masaya pa silang nagkuwentuhan tungkol sa buhay mag-asawa, kaya posibleng naalimpungatan ang suspek sa pagtulog.
Dagdag ng anak, ang ama ay may iniindang sakit at under medication, maaaring Alzheimer’s o Dementia. Narekober ng pulisya ang kitchen knife na ginamit sa krimen.
Nakaburol na sa kanilang bahay ang biktima. Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng mag-asawa at ang suspek ay nakakulong na sa kasong Parricide.


