
The Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay makakatanggap ng ₱41.5 milyon na pondo para sa operasyon nito hanggang sa katapusan ng 2025. Ayon kay Executive Director Brian Keith Hosaka, inaprubahan na ng Office of the President ang budget at staffing plan ng ICI matapos itong tumakbo ng halos dalawang buwan na umaasa lang sa boluntaryo.
Inihayag ni Hosaka na ang ₱41.5 milyon ay manggagaling sa 2025 contingent fund, base sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM). Gagamitin ito para sa operasyon at mga kinakailangang kagamitan ng komisyon hanggang sa dulo ng susunod na taon.
Aprobado na rin ang 172 contractual positions para sa mga abogado, accountant, at engineer na magiging bahagi ng ICI. Sa ngayon, karamihan sa mga empleyado ay galing pa sa ibang ahensya ng gobyerno kaya ang kanilang sahod ay mula pa rin sa pinanggalingan nilang opisina.
Aminado si Hosaka na hindi pa sila nakatatanggap ng sahod mula nang mabuo ang komisyon. Gayunpaman, tiniyak niyang tuloy-tuloy ang kanilang trabaho habang hinihintay ang opisyal na paglabas ng pondo.
Ang ICI ay itinatag noong Setyembre upang imbestigahan ang umano’y katiwalian sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kamakailan, pumayag na rin ang komisyon na buksan sa publiko ang kanilang mga pagdinig sa pamamagitan ng online livestreams.




