
The University of Tennessee ay maglulunsad ng bagong history class na pinamagatang Grand Theft America: U.S. History Since 1980 through the GTA Video Games. Magsisimula ito sa Enero 20, 2026 at pangungunahan ni Propesor Tore Olsson.
Gagamitin sa klase ang sikat at kontrobersyal na Grand Theft Auto series bilang pangunahing teaching tool. Sa pamamagitan ng mga kwento at virtual na mundo ng laro, tatalakayin ang mahahalagang paksa tulad ng consumerism, political corruption, American Dream, at urban decay sa nakalipas na apat na dekada.
Ayon kay Propesor Olsson, bagamat kathang-isip ang GTA, nakatutulong ito para mas maintindihan ng kabataan ang tunay na kasaysayan ng U.S. mula 1980 hanggang ngayon. Ang klase ay mas tutok sa American history, gamit ang GTA bilang framework sa pag-aaral.
Layunin ng kursong ito na ipakita na ang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi limitado sa libro. Mas nagiging makabuluhan ito kung gumagamit ng medium na malapit sa interes ng mga estudyante, tulad ng video games.
Habang hinihintay ng fans ang GTA 6, abala naman ang mga estudyante ng Tennessee sa pagsusuri ng mga pangyayari at kasaysayan na nag-impluwensya sa pagkakabuo ng sikat na franchise na ito.