
Ang populasyon ng Pilipinas ay umabot sa 112.7 milyon noong Hulyo 1, 2024, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ayon sa Proklamasyon No. 973 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 11, 2025, opisyal nang kinikilala ang resulta ng 2024 Census of Population and Housing.
Tumaas ang populasyon ng bansa ng 3.69 milyon mula noong 2020 na may bilang na 109.04 milyon. Ngunit bumagal ang population growth rate sa 0.8% kada taon mula 2020 hanggang 2024, kumpara sa 1.6% mula 2015 hanggang 2020. Ayon sa PSA, ang pagbaba ng paglago ay maaaring dulot ng mas kaunting bilang ng mga ipinapanganak, epekto ng pandemya, at kaunting paggalaw ng migrasyon.
Pinakamalaking populasyon ay nasa Region IV-A o Calabarzon na may 16.93 milyon, kasunod ang National Capital Region (14 milyon) at Region III o Central Luzon (12.99 milyon). Halos 39% ng populasyon ng bansa ay mula sa tatlong rehiyong ito. Samantala, ang Cordillera Administrative Region ang may pinakamababang bilang ng populasyon na 1.81 milyon.
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamabilis na paglago ng populasyon na 3.43% kada taon. Sunod ang Central Luzon na may 1.08% at Calabarzon na may 1.07%. Bicol Region ang may pinakamababang paglago na -0.07%.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang PSA at ang Presidential Communications Office na ipamahagi ang opisyal na kopya ng census sa lahat ng ahensya ng gobyerno. Isinagawa ang census mula Hulyo hanggang Setyembre 2024, gamit ang Hulyo 1, 2024 bilang reference date.