
Inaresto ang kilalang vlogger na si Diwata matapos umanong magkaroon ng isyu sa non-compliance kaugnay ng operasyon ng kanyang negosyo. Ayon sa kanyang pahayag, nagulat siya sa pag-aresto dahil wala umano siyang natanggap na paunang abiso o subpoena bago inilabas ang warrant.
Ibinahagi ni Diwata na labis ang kanyang pagkadismaya sa nangyari, lalo’t iginiit niyang handa naman siyang itama ang anumang pagkukulang kung ito ay ipinaalam nang maayos. Aniya, ang kanyang negosyo sa pares ay maliit lamang at sapat lang umano ang kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan, minsan pa nga ay nagkakautang.
Dahil sa kasalukuyang kaso, pinili ng vlogger na huwag magdetalye ngunit kinumpirma niyang siya ay pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng P60,000 makalipas ang 24 oras. Si Diwata ay unang sumikat dahil sa kanyang Diwata Pares na naging viral sa abot-kayang presyo at masaganang servings, at kalaunan ay lumabas din sa seryeng Batang Quiapo, na lalo pang nagpatibay sa kanyang presensya sa industriya ng aliwan.

