
Sugatan ang driver at pahinante ng isang dump truck matapos bumangga sa concrete barriers at poste ng kuryente sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue, Quezon City, bandang 12:50 a.m. Martes, February 3.
Apat na concrete barrier ang napinsala habang bahagyang tumagilid ang tinamaang poste. Sa lakas ng impact, nabasag at tuluyang natanggal ang windshield ng truck, na nagdulot ng delikadong sitwasyon sa kalsada.
Nagtuloy-tuloy ang truck sa pagitan ng mga nakaparadang heavy equipment at bakod ng MRT-7 construction site, bago tuluyang huminto. Ayon sa pahayag ng driver sa mga rumespondeng tauhan ng MMDA, nakaidlip umano siya habang nagmamaneho, dahilan ng aksidente.
Nabatid na papunta sanang Rizal ang truck para kumuha ng graba nang mangyari ang pagsalpok. Isinugod sa pagamutan ang dalawang biktima habang patuloy ang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5 para malaman ang kabuuang sanhi ng insidente.
Bandang 5:00 a.m., dumating ang mga tauhan ng Meralco upang ayusin ang tumagilid na poste. Hindi naman nagdulot ng mabigat na trapiko ang aksidente dahil nasa gilid lamang ng kalsada ang truck at hindi nakaharang sa mga pangunahing linya.




