
MANILA — Tini-dismiss ng Office of the Ombudsman ang mga ulat na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, dating mga engineers ng DPWH, ay balak i-recant ang kanilang mga pahayag kaugnay ng umano’y corruption sa flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, “Seems like noise sa amin,” nang tanungin kung may natanggap silang impormasyon tungkol sa posibleng recantation ng tatlo, lalo na ang mga pahayag na may kinalaman sa ilang mga mambabatas na sangkot sa iskandalo.
Dagdag pa ni Clavano, “We will only rely on sworn statements. Bukod dito, makakasama pa sa kanilang admission sa Witness Protection Program kung sila ay mag-recant.”
Itinuturing na protected witnesses ang tatlong dating engineers, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Setyembre 2025, noong siya ay pinuno pa ng Department of Justice (DOJ). Sinabi rin ni Prosecutor General Richard Fadullon noong Disyembre na si Alcantara ay “provisionally admitted” sa Witness Protection Program.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, maaaring may pananagutan sa batas tungkol sa perjury ang mga dating opisyal ng DPWH kung sila ay mag-recant. Ngunit para sa senador, hindi matitinag ang kaso sa basehan lamang ng kanilang recantation.




