
Ang auction para sa pitong luxury cars nina Curlee at Sarah Discaya ay na-reschedule sa Nobyembre 20, ayon sa Bureau of Customs (BOC). Puwedeng bisitahin ang mga sasakyan sa BOC Port Users Confederation parking area sa Maynila hanggang bukas.
Magkakaroon ng auction sa ganap na 10 a.m. sa Office of the Commissioner (OCOM) building sa Port Area. Ayon sa BOC, layunin ng auction na maibalik sa bayan ang kita na nararapat sa publiko.
Kabilang ang Discayas sa 15 contractors na nakakuha ng P100 bilyon o 20% ng P545-bilyong budget para sa flood control projects simula 2022. Sa pitong luxury cars, ang black Rolls-Royce Cullinan 2023 ang may pinakamataas na floor price na P45.314 milyon.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, may mga tiwaling personnel sa BOC na tumutulong sa mga importers ng misdeclared luxury vehicles. May scheme umano na ginagamit para mag-declare ng maling port entry at bayad, pati na rin ang pag-tamper ng X-ray images ng sasakyan.
Sa kabuuan, may 13 luxury cars sa kustodiya ng BOC, anim ang may questionable payment certificates. Ayon kay Sen. Pia Cayetano, mukhang may “inside job” sa BOC sa smuggling ng misdeclared luxury cars.


