
The OpenAI, ang kompanyang nasa likod ng ChatGPT, ay napatunayang lumabag sa copyright law ng Germany matapos magamit ang ilang awitin ng sikat na musikero na si Herbert Groenemeyer at iba pang artista bilang bahagi ng pagsasanay ng kanilang AI model.
Ayon sa korte sa Munich, ginamit ng ChatGPT ang mga liriko mula sa siyam na awitin, kabilang ang mga sikat na kanta ni Groenemeyer na “Maenner” at “Bochum.” Dahil dito, inutusan ng hukom na si Elke Schwager ang OpenAI na magbayad ng danyos. Hindi ibinunyag ang eksaktong halaga, ngunit ito ay tinatayang milyon-milyong piso.
Ang kaso ay isinampa ng GEMA, samahan ng mga musikero, manunulat, at publisher sa Germany. Ayon sa kanilang legal adviser na si Kai Welp, umaasa silang ito ay maging simula ng pag-uusap kung paano mababayaran nang tama ang mga may-ari ng karapatan sa awitin.
Iginiit ng OpenAI na hindi nito direktang iniimbak o kinokopya ang mga liriko, kundi natututo lamang batay sa kabuuang datos na ginamit sa pagsasanay. Ngunit ayon sa korte, ang mismong kakayahan ng AI na maalala at muling ipalabas ang mga liriko ay malinaw na paglabag sa copyright.
Sinabi ni GEMA CEO Tobias Holzmueller, “Ang internet ay hindi tindahang pwede mong basta kumuha. Kailangang igalang ang gawa ng tao.” Maaaring umapela pa ang OpenAI sa desisyon, ngunit sinabing pinag-iisipan nila ang susunod na hakbang.
