
Ang pinakahihintay na laro, Grand Theft Auto VI, ay muling na-delay. Isa ito sa mga pinakapopular at inaabangang video game sa buong mundo, na tinatayang kikita ng mahigit ₱580 bilyon sa kabuuang benta. Pero mukhang mas tatagal pa ang paghihintay ng mga fans.
Noong una, nakatakda sanang ilabas ang GTA VI ngayong 2025, ngunit naurong ito sa Mayo 2026. Ngayon, inanunsyo ng Rockstar Games na ilalabas na ito sa Nobyembre 19, 2026 para sa PlayStation 5 at Xbox Series X|S.
Ayon sa pahayag ng kumpanya, idinagdag nila ang ilang buwan ng development para mas mapaganda pa ang laro at maabot ang kalidad na inaasahan ng mga gamers. Humingi rin sila ng paumanhin sa matagal na paghihintay ng mga tagahanga.
Sa ngayon, mahigit isang taon pa ang aantayin bago tuluyang mailabas ang GTA VI. Patuloy na mag-abang ng mga update, trailers, at iba pang balita habang papalapit ang opisyal na release date.
Kung ikaw ay isang gamer na matagal nang naghihintay, mukhang kailangan mo pang magtiis ng kaunti. Pero ayon sa Rockstar, sulit daw ang bawat segundo ng paghihintay.