
The bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng gutom ay tumaas nitong ikatlong kwarto ng 2025, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS). Mula sa 16.1% noong Hunyo, umakyat ito sa 22% batay sa survey na ginawa mula Setyembre 24 hanggang 30.
Ayon sa SWS, ang tinatawag na involuntary hunger ay kapag nagugutom ngunit walang makain kahit isang beses sa nakaraang tatlong buwan. Pinakamataas ang gutom sa Metro Manila na umabot sa 25.7%, sinundan ng Luzon sa 23.8%, at Mindanao sa 19.7%. Bumaba naman ito sa Visayas mula 21.7% tungo sa 17.7%.
Sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad ang mga programa ng pamahalaan tulad ng Walang Gutom Program at Special Feeding Program. Dagdag pa niya, malaking tulong ang ganitong survey para magabayan ang gobyerno sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Pilipino.
Bukod dito, pinag-aaralan ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng price freeze sa piling produktong agrikultural sa Metro Manila at Visayas matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino. Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tinitingnan pa kung anong mga pananim ang kakapusin bago ilabas ang opisyal na listahan.
Sa ilalim ng umiiral na batas, awtomatikong ipinatutupad ang price freeze sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity. Layunin nitong mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.