The bihirang doublet earthquake o magkasunod na malalakas na lindol ang yumanig sa Davao Oriental nitong Biyernes, ayon sa Phivolcs. Umaga ng Biyernes, isang magnitude 7.4 na lindol ang tumama sa dagat, 44 kilometro hilagang-silangan ng Manay. Dalawa agad ang nasawi at ilang pamilya ang naapektuhan.
Makalipas ang ilang oras, pasado alas-7 ng gabi, isang magnitude 6.8 na lindol ang naitala rin sa dagat. Paliwanag ng Phivolcs, hiwalay itong lindol at hindi maituturing na aftershock. Tinawag itong doublet dahil halos magkapareho ang lakas, lugar, at oras ng dalawang lindol.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, kung aftershock ito dapat isang antas lang ang ibinababa ng lakas, kaya mula 7.4 magiging 6.4. Dagdag pa niya, ang ganitong pangyayari ay nangyayari kapag komplikado ang fault o pinagmumulan ng lindol. Naitala na rin ang doublet sa Pilipinas noong 1992 at kamakailan lang noong 2023.
Nasa Philippine Trench nagmula ang pagyanig. Bagama’t marami ang nag-aalala, sinabi ng Phivolcs na maliit ang posibilidad na mag-trigger pa ito ng mas malakas na lindol tulad ng magnitude 7.5 o 7.6. Sa ngayon, mahigit 808 aftershocks na ang naitala, at may 13 na ramdam ng tao.
Ulat ng NDRRMC, umabot na sa pito ang namatay at halos 2,500 pamilya ang nananatili sa evacuation centers dahil sa sunod-sunod na aftershocks.