Isang 35-anyos na lalaki ang nahuli ng Manila Police District (MPD) sa isang drug buy-bust operation sa Mel Lopez Boulevard, kilala rin bilang Road 10, Tondo, Manila.
Narekober mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos ₱750,000. Ayon sa pulisya, ilang buwan nang minamanmanan ang suspek na dati umanong delivery rider.
Base sa imbestigasyon, galing Bulacan ang droga at dinadala sa Maynila para ibenta, kabilang ang mga truck driver na dumadaan sa Road 10. Ayon kay P/Maj. Salvador Iñigo Jr., malaking bagay ang pagkakahuli upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Umamin ang suspek na ginawa niya ito dahil sa hirap ng buhay. “Dahil sa kahirapan po. Hindi po sapat ang sinasahod,” ani ng suspek na humihingi ng tawad sa kanyang nagawa.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Confederation of Truckers Association of the Philippines at nanawagan na tigilan ang paggamit ng droga. “Ingatan n’yo ang sarili at trabaho ninyo,” paalala ng grupo.