
Arestado ang isang 44-anyos na lalaki matapos tangayin ang taxi ng isang 64-anyos na driver at tutukan ito ng ice pick sa kahabaan ng Imperial Street, Cubao, Quezon City nitong Linggo, February 1.
Ayon kay Lt. Col. Joy Leanza, hepe ng Cubao Police Station, pinara ng suspek ang taxi sa Mindanao Avenue bago niya ipatuloy ang biyahe. Ayon sa biktima, plano umano ng suspek na dumaan sa Nepa Q-Mart bago tuluyang isagawa ang carnapping.
“Pagdating po sa Imperial Street, doon na po nag-declare ng carnapping ang suspek. Tinutukan niya ako ng ice pick kaya agad akong napilitang bumaba,” pahayag ng biktima. Agad niyang hinawakan ang kamay ng suspek, dahilan para mapababa siya nang ligtas.
Matapos bumaba ang biktima, nagpatuloy ang suspek sa pagtakas, ngunit naipit ang taxi sa trapiko sa EDSA. Inabandona niya ang sasakyan at tumakas on foot hanggang sa maaresto sa tabi ng Nepa Q-Mart, kung saan may nakitang pulis sa area.
Aminado ang suspek sa krimen ngunit itinanggi niyang balak saktan ang biktima. Batay sa pulisya, dati na siyang nakulong noong 2023 sa kaso ng ilegal na droga. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Cubao Police Station, nahaharap sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act.


