
Naglunsad ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng pormal na imbestigasyon matapos maging viral ang isang video na nagpapakita ng umano’y panloloob ng grocery items habang pinapatay ang apoy sa Landers Superstore sa Barangay Pasong Putik, Quezon City noong Enero 28.
Ayon kay Fire Superintendent Anthony Arroyo, chief ng BFP Public Information Service, agad na iniutos ng ahensya ang fact-finding probe matapos kumalat ang video sa social media. Inaasahang magkakaroon ng resulta ang imbestigasyon sa loob ng 48 oras. Binanggit niya na ang mga taong nasa video ay posibleng fire volunteers lamang at hindi nakatanggap ng opisyal na PPE ng BFP.
Linaw ni Arroyo, hindi pa natutukoy ang grupo ng mga sangkot at ang mga ito ay hindi opisyal na kaanib ng BFP. Gayunpaman, tiniyak niya na hindi pa rin isinasara ang posibilidad ng pagkakasangkot ng sariling tauhan ng BFP hanggang sa matapos ang imbestigasyon. Ang mga opisyal na bumbero ay madaling makikilala dahil may marka ang kanilang PPE sa harap at likod.
Dagdag niya, kung mapatunayan na hindi opisyal ng BFP ang mga sangkot, handang tulungan ng ahensya ang Landers management sa paghahain ng kriminal na kaso, kabilang ang qualified theft. Kung sakaling may BFP personnel na ma-identify, agad naman nilang isasampa ang administrative case para sa grave misconduct bukod sa anumang criminal charges.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog sa Landers. Ayon kay Arroyo, base sa paunang obserbasyon, nagsimula ito malapit sa gitna ng tindahan kung saan maraming grocery items, plastik, at kemikal ang mabilis na nagpalaganap ng apoy. Gumamit ang mga bumbero ng self-contained breathing apparatus dahil sa makapal na usok at toxic gases. Kasama sa proseso ng pagtukoy ng sanhi ang pagsusuri ng lab tests, CCTV footage, at testimonya ng mga saksi.




