
Ang isang wanted na lalaki na umano’y kasapi ng malaking drug group ay napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Tanuel, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 5.
Ayon sa ulat, pinangunahan ni Lt. Col. Esmael Madin ang operasyon kasama ang mga tauhan ng Police Regional Office–BARMM upang ihain ang warrant of arrest laban kay Aron Watamama Makalanga, na may kaso ng murder at iba pang krimen sa Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City. Subalit, imbes na sumuko, bumunot umano ng baril si Makalanga at pinaputukan ang mga pulis kaya napilitang gumanti ang mga ito.
Kasabay nito, inaresto rin si dating barangay opisyal Bayan Salik dahil umano sa pagtatago kay Makalanga sa Sitio Dikogen, Barangay Tanuel, kahit alam na ito ay wanted. Ayon kay Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, si Salik ay kakasuhan ng obstruction of justice at pagtatago ng wanted na tao.
Nagsimula ang operasyon matapos iulat ng mga residente at opisyal ng bayan, kabilang si Mayor Abdulmain Abas at Vice Mayor Bobsteel Sinsuat, ang presensya ng suspek sa lugar.
Narekober sa pinangyarihan ang 5.56 Bushmaster rifle, shotgun, dalawang pistol, at ilang sachet ng hinihinalang shabu. Sinaksihan ng mga opisyal ng barangay ang pagkakakuha ng mga ebidensya sa lugar.
