
The self-banning program ng PAGCOR ay para sa mga taong hirap tigilan ang pagsusugal. Sa programang ito, puwedeng mag-request ng ban laban sa sarili o kaya ay mag-apply ang pamilya para sa kanilang mahal na may problema sa sugal.
Maaaring pumili ng ban sa loob ng 6 buwan, 1 taon, o 3 taon. Para sa self-ban, hindi puwedeng alisin ang restriction sa unang 6 buwan. Pagkatapos nito, may option nang tanggalin kung gusto ng aplikante. Sa family-ban, tuloy-tuloy ang ban hanggang matapos ang buong period na pinili, at hindi ito maaaring bawiin.
Para mag-apply, kailangan ng application form mula sa website ng PAGCOR, valid ID, at dalawang 2x2 ID picture na kuha sa loob ng nakaraang 6 buwan. Maaari itong ipasa sa email o sa drop box sa opisina ng PAGCOR. Kailangan ding mag-selfie o sumali sa video call kung online ang submission.
Sa family exclusion, dapat magsumite ang asawa, anak, o magulang ng application form, 2x2 ID pictures, kopya ng valid ID ng aplikante, at birth certificate o marriage contract bilang patunay ng relasyon.
Ayon sa isang survey, 92% ng Pilipino ay may alam tungkol sa online gambling, at halos 29% ang naglaro o naengganyo rito. Samantala, tumaas ang kita ng PAGCOR sa unang kalahati ng 2025 sa ₱10.8 bilyon, higit doble kumpara sa parehong panahon ng 2024.