Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakahuli ng P1.16 bilyong halaga ng ilegal na droga sa iba’t ibang operasyon mula Agosto 29 hanggang Setyembre 5 sa buong bansa.
Ayon kay PDEA Director General Isagani R. Nerez, katuwang ang iba pang ahensya, nagsagawa sila ng 48 buy-bust operations, marijuana eradications, interdictions, at raids. Sa mga operasyon na ito, 101 drug personalities ang naaresto kabilang ang 36 na tulak, 24 bisita ng drug den, 7 empleyado, 11 may-ari o tagapamahala, 12 tagapagdala ng droga, at 11 gumagamit.
Kabilang sa mga nasamsam ay 169,557.58 gramo ng shabu, 10,250 marijuana plants, 272.63 gramo ng marijuana tops, at 1,000 marijuana seedlings.
Pinakamalaking huli ay ang 86.7 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱589.98 milyon sa Barangay Rio Hondo, Zamboanga City. Nasamsam din ang 70 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱476 milyon sa isang bodega sa Tondo, Maynila. Sa Clark Freeport Zone, Pampanga naman, nakuha ang halos 11 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱74.8 milyon.
Sa kabuuan, malaking tagumpay ito ng PDEA laban sa ilegal na droga na patuloy na banta sa kaligtasan ng bansa.