
Ang Department of Education (DepEd) ay nag-utos ng release ng overtime pay para sa mga guro. Ayon kay Secretary Sonny Angara, inilabas na ang DepEd Order 26 na naglalaman ng guidelines kung paano maibibigay ang bayad sa dagdag oras ng trabaho.
Nakasaad sa Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na ang mga guro ay dapat bayaran ng karagdagang 25% ng kanilang regular na sahod kung sila ay nagtuturo nang lampas anim na oras o gumagawa ng mga gawain tulad ng co-curricular at out-of-school activities.
Sakop nito ang lahat ng public school teachers, kabilang ang mga nasa Alternative Learning System (ALS), kahit sila ay permanent, provisional, o substitute. Ibig sabihin, lahat ng full-time teachers mula elementarya hanggang senior high school at nasa Community Learning Centers ay makatatanggap ng bayad para sa overtime.
Binigyang-diin ni Angara na ito ay para matiyak na ang mga guro ay mababayaran nang tama at makilala ang kanilang sakripisyo at kontribusyon. Kasabay nito, layon din ng DepEd na mapanatili ang transparency at accountability sa pagbibigay ng benepisyo.
Sa pagbibigay ng overtime pay, pinatitibay ng DepEd ang karapatan at dignidad ng mga guro habang sinisiguro ang tamang implementasyon ng government compensation policies.