Ang isang security guard sa Caloocan ay nang-hostage ng magkapatid at kanilang yaya matapos siyang matanggal sa trabaho dahil umano sa paggamit ng droga. Tumagal ng 6 na oras ang negosasyon bago tuluyang pinalaya ng suspek ang mga biktima kapalit ng hepe ng pulisya.
Ayon sa imbestigasyon, alas-7 ng umaga nang pasukin ng suspek na si alyas “Jessie,” 45, ang bahay sa Brgy. Amparo. Kabilang sa mga hinostage ay si alyas “Jessema,” 19; kapatid niyang 11-anyos at kasambahay na si alyas “Mary Ann,” 35.
Isa sa mga kondisyon ng suspek ay mabigyan siya ng sasakyan at armalite. Habang palabas na siya ng bahay, agad siyang dinamba ng mga pulis. Nakuha ng SWAT ang baril na caliber .38 ngunit may nakatagong patalim ang suspek at nasaksak ang isang pulis sa kamay.
Dito na pinaputukan ang suspek at tinamaan sa paa at likod. Agad siyang dinala sa ospital kasama ang sugatang pulis. Ang hepe ng pulisya ay isinugod din matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib. Nahaharap ngayon si Jessie sa kasong illegal possession of firearm, alarm and scandal, at assault.