
Ang bagyong Kajiki ay kumitil ng 3 buhay sa Vietnam matapos ang malakas na hangin at pagbaha nitong Martes. Tinatayang 1.6 milyon katao ang nawalan ng kuryente habang libo-libong bahay ang nasira.
Sa lungsod ng Vinh, maraming puno at bakal na bubong ang bumagsak sa kalsada, dahilan para mahirapan ang mga rescue workers at sundalo sa paglilinis. Mahigit 44,000 katao ang inilikas bago dumating ang bagyo, habang 27 baryo sa kabundukan ang naputol ang daan dahil sa baha.
Sa Hanoi, maraming kalsada ang nalubog sa tubig na nagdulot ng matinding trapiko at hirap sa paggalaw ng mga residente. Ayon sa mga nakatira roon, bihira silang makaranas ng ganitong kalakas na hangin at pinsala.
Matapos humina at maging tropical depression, tumawid si Kajiki papuntang Laos na nagdala rin ng malalakas na ulan. Sa Vietnam, mahigit ₱6 bilyon na halaga ng pinsala ang iniulat sa unang pitong buwan ng 2025 dahil sa iba’t ibang kalamidad.




