Ang Commission on Audit (COA) ay nag-utos ng agarang inspeksyon sa lahat ng flood control projects sa Bulacan matapos lumabas ang isyu ng ghost project na nagkakahalaga ng ₱55 milyon.
Ayon sa ulat, isang 220-meter river wall sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan ang dapat nagsimula pa noong Pebrero. Ngunit sa aktwal na inspeksyon, wala pang trabaho na ginagawa kahit nakasaad sa papeles ng DPWH na ito ay “completed” at fully paid na.
Sa memorandum na nilagdaan ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba noong Agosto 20, 2025, inatasan ang Technical Services Office na magsagawa ng technical inspections mula Enero 1, 2022 hanggang Hulyo 31, 2025.
Prayoridad ng inspeksyon ang mga proyektong may pinakamataas na halaga ng kontrata. Titingnan ang dalawang bagay: kung ang proyekto ay talagang umiiral sa aktwal na lugar at kung ito ay tumutugma sa plano at design, kabilang ang kalidad ng materyales at pagkakagawa.
Batay sa opisyal na tala, mula sa ₱548 bilyon na pondo para sa flood control sa buong bansa, ang Central Luzon ang nakakuha ng pinakamalaki na ₱98 bilyon, at sa rehiyong ito, Bulacan ang may pinakamalaking bahagi na umaabot sa ₱44 bilyon.