
Arestado ang isang 45-anyos na babae dahil sa reklamong estafa matapos umanong tangayin ang mahigit ₱1.2 milyon mula sa kanyang biktima. Ayon sa pulisya, nagsisimula ang modus sa social media kung saan nagpapanggap ang suspek bilang empleyado ng Bureau of Customs at nag-aalok ng mga murang sasakyan.
Kapag may nagka-interes, nakikipagkita ang suspek sa biktima at nagpapakita pa ng pekeng ID para magmukhang lehitimo. Pagkatapos makuha ang bayad, magdadahilan ang suspek na pupunta sa bangko o opisina, ngunit hindi na bumabalik.
Isa sa mga nabiktima ay taga-Ilocos Sur na nagbayad ng ₱1.2 milyon para sa isang tractor. Nakipagkita ito sa suspek sa Port Area, Maynila, bago ito tuluyang mawala.
Lumabas din sa imbestigasyon na hindi ito unang beses na gumawa ng ganitong scam ang babae. Noong Marso, nakakuha umano siya ng ₱5.5 milyon mula sa biktima na bibili sana ng sports car. Nitong Hulyo, tumangay din umano siya ng ₱2.2 milyon mula sa isa pang transaksyon.
Kasulukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong estafa. Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa ganitong uri ng modus at huwag basta magtiwala sa online offers.