
Ang Pilipinas ay hindi naghahanda para sa giyera, pero kailangan nitong palakasin ang depensa dahil sa lumalalang tensyon sa China, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang panayam sa media ng India, sinabi ni Marcos na hindi niya nais magkaroon ng digmaan tungkol sa West Philippine Sea, pero ang mga kaganapan sa mga nakaraang taon ay nagtutulak sa bansa na kumilos.
“Hindi kami naghahanda para sa giyera. Tungkulin lang naming ipagtanggol ang bansa,” sabi niya. Kasalukuyan din aniya ang Pilipinas sa pagmomodernisa ng militar, upang mas maging handa sa mga hamon sa rehiyon.
Nakipagpulong si Marcos kay Indian Prime Minister Narendra Modi kung saan itinaas nila ang antas ng ugnayan ng Pilipinas at India sa strategic partnership. Nakapirma sila ng 13 kasunduan, at apat dito ay tumutok sa kooperasyon ng mga hukbong sandatahan ng dalawang bansa — sa hukbong-dagat, hukbong-lupa, at air force.
Parehong may teritoryal na isyu kontra China, kaya mas pinalalalim ng Pilipinas at India ang ugnayang pangdepensa. Bukas din ang Pilipinas sa posibilidad na makipagsanib-puwersa sa India sa mga maritime patrol, lalo na't nakikita ang aktibong papel ng India sa South China Sea.
Tinitingnan din ni Marcos ang India bilang posibleng supplier ng armas, lalo na pagkatapos ng pagbili ng BrahMos missile system na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2.5 bilyon.