
Ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay nagbabala sa mga Pilipino laban sa paggamit ng unregistered cryptocurrency platforms matapos madiskubre na mayroong hindi bababa sa 10 website na nag-aalok ng crypto services nang walang kaukulang lisensya.
Sa advisory noong Agosto 4, sinabi ng SEC na ang mga hindi lisensyadong crypto platforms ay may malaking panganib para sa mga mamumuhunan. Maaaring mawalan ng lahat ng puhunan ang mga Pilipino, walang legal na proteksyon, at maging biktima ng panloloko, market manipulation, at identity theft.
Dagdag pa ng ahensya, maaaring gamitin ang mga unregistered platforms para sa money laundering at terorismo. Alinsunod sa batas tulad ng Anti-Money Laundering Act, kailangan ng mga Virtual Asset Service Providers (VASPs) na magpatupad ng mahigpit na seguridad gaya ng customer verification, record keeping, at suspicious transaction reporting.
Ano ang Cryptocurrency?
Ito ay digital na pera na ginagamit sa online transactions. Hindi ito hawak ng bangko, kundi verified ng blockchain technology gamit ang peer-to-peer network. Kung walang rehistro, hindi ito mino-monitor ng gobyerno, kaya mahina ang seguridad laban sa money laundering.
Ano ang dapat gawin ng investors?
Iwasan ang pag-trade o pag-invest sa mga unregistered crypto platforms.
Maging maingat sa crypto promotions lalo na sa social media at influencers.
Mag-report ng kahina-hinalang aktibidad sa SEC sa email: epd@sec.gov.ph o eipd-cybercrime@sec.gov.ph.
Kung mapatunayang lumalabag, maaaring maglabas ang SEC ng cease and desist order, ipablock ang mga website, maghain ng kaso, at makipagtulungan sa global platforms para alisin ang mga illegal ads.