
Ang dalawang Chinese nationals sa California ay inaresto dahil sa umano’y ilegal na pagpapadala ng Nvidia AI chips papunta sa China. Ayon sa US Justice Department, sina Chuan Geng at Shiwei Yang, parehong 28 taong gulang, ay nagpadala ng mga makabagong chips at iba pang teknolohiya mula Oktubre 2022 hanggang Hulyo 2025 nang walang lisensiya mula sa US Commerce Department.
Ayon sa reklamo, ang kumpanya nilang ALX Solutions, na nakabase sa El Monte, ay naitatag noong 2022, kasunod ng mahigpit na export controls ng US para pigilan ang mabilis na modernisasyon ng militar ng China. May mahigit 20 padala ang ALX papunta sa Singapore at Malaysia, na madalas ginagamit bilang transit points ng mga ilegal na produkto.
Natuklasan na nakatanggap ang ALX ng bayad na ₱58 milyon mula sa isang China-based company noong Enero 2024, at iba pang bayad mula sa Hong Kong at China. Nvidia H100 chips, na ginagamit sa pag-train ng malalaking language models, ang pangunahing ipinupuslit.
Batay sa mga tala, mula Agosto 2023 hanggang Hulyo 2024, bumili ang ALX ng higit 200 Nvidia H100 chips mula sa isang server maker sa California. Sa isang invoice noong 2023, nakalagay ang halagang ₱1.68 bilyon, at idineklara nilang ang kustomer ay mula Singapore, pero hindi natunton ang mga chips doon.
Ayon sa Nvidia, mahigpit silang sumusunod sa export rules at hindi nagbibigay ng suporta o updates sa mga produktong naidivert. Ang mga suspek ay humarap na sa korte sa Los Angeles. Si Geng ay nakapagpiyansa ng ₱14.6 milyon, habang si Yang ay nakatakdang dumaan sa detention hearing sa Agosto 12.