Ang isang 86-anyos na lolo ay nasawi matapos mabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada sa Barangay Libertad, Nabas, Aklan nitong Lunes ng umaga.
Makikita sa CCTV na maayos na tumatawid ang matanda sa gitna ng kalsada nang biglang salpukin ng mabilis na paparating na motorsiklo.
Sa lakas ng tama, bumagsak sa kalsada ang lolo habang tumilapon ang 28-anyos na rider mula sa kanyang motorsiklo. Agad namang rumesponde ang mga rescuer at dinala sila sa ospital.
Idineklarang dead-on-arrival ang lolo dahil sa malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, ligtas na at kasalukuyang ginagamot ang rider sa ospital.
Hinihintay ng Nabas PNP ang desisyon ng pamilya kung magsasampa sila ng kaso laban sa motorista.