
Ang isang kongresista ay umani ng batikos matapos mahuling nanonood ng e-sabong sa kanyang cellphone habang nagaganap ang pagbubukas ng 20th Congress noong Lunes, Hulyo 28.
Nahuli ang opisyal na nanonood ng online sabong habang isinasagawa ang botohan para sa bagong House Speaker. Hindi nakilala ang lalaki dahil nakatalikod siya sa camera, pero kita ang kanyang salamin sa noo habang nakatutok sa phone.
Lumabas din ang mas malinaw na kuha na nagpapakita ng laban na may text na, “1st Fight Left Side” at “2nd Fight Right Side.” Ang post ay umani ng mahigit 64,000 reactions (51,000 “Haha” at 9,000 “Angry”), 4,500 comments, at 7,200 shares. Marami sa netizens ang gumawa ng memes, habang ang iba ay naglabas ng pagkadismaya.
Kasabay nito, muling sumiklab ang usapin tungkol sa nawawalang sabungeros, matapos makuha ang impormasyon na may mga bangkay na itinapon umano sa Taal Lake. Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad.
Sa huli, muling nahalal si House Speaker Martin Romualdez para sa 20th Congress na may 269 boto, kasunod ng ika-apat na SONA ni Pangulong Bongbong Marcos, kung saan nangako siyang pananagutin ang mga nasa likod ng pagkawala ng sabungeros.