
Ang Senado ay magdadaos ng public hearing sa susunod na linggo para pag-usapan ang online gambling. Si Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Games and Amusements Committee, ay nangakong tatawag ng pagdinig upang makuha ang opinyon, pag-aaral, at datos mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng PAGCOR at DOF.
Sa isang press briefing, sinabi ni Tulfo na layon ng pagdinig na alamin ang masamang epekto ng online gambling, lalo na sa kabataan. Ayon sa kanya, personal niyang nais na magkaroon ng total ban at umaasang makukumbinsi ang ibang miyembro ng komite.
“Kung ako ang tatanungin, gusto ko tigilan na itong online gambling,” giit ni Tulfo.
Habang PAGCOR at DOF ay mas gusto ang mahigpit na regulasyon at mas mataas na buwis kaysa sa total ban, sinabi ni Tulfo na mas mapanganib ito dahil maaaring dumami ang illegal operators. Binigyang-diin niya na mahirap ipatupad ang batas dahil kahit mahuli ng pulis o NBI, bumabalik agad ang operasyon.
Mag-iimbita rin si Tulfo ng mga stakeholder, kabilang ang kabataan, magulang, paaralan at simbahan, upang marinig ang kanilang saloobin. Ayon sa kanya, kung mapatunayang hindi kaya ang total ban dahil sa kinikita ng gobyerno, kailangan pa rin itong pag-aralan nang mabuti.
“Pero kung ako masusunod, gusto ko itong online gambling ay matigil,” dagdag niya.
May ilang senador na rin ang naghain ng panukalang batas para ipagbawal o higpitan ang online gambling. Isa na rito si Sen. Joel Villanueva na naghain ng Anti-Online Gambling Act, na kabilang ngayon sa top 10 priority bills ng Senado.