
Patay ang isang 34-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Las Piñas, Miyerkules ng gabi. Sa kuha ng CCTV, makikita ang pickup na huminto sa gasolinahan bago mangyari ang pamamaril.
Habang nagkakarga ng gasolina, huminto ang isang motor malapit sa pickup at pinaputukan ito ng angkas. Ayon kay PCol. Sandro Jay Dela Cruz Taffala, pinaputukan ng maraming beses ang biktima. Sa takot, naapakan ng driver ang gas kaya bumangga ang pickup sa pader.
Tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril. Natagpuan sa pickup ang 12 sachet ng hinihinalang shabu, pera, laptop, at cards. Isa sa tinitingnang motibo ng mga pulis ay pagkakasangkot ng biktima sa illegal drugs. Hindi bababa sa siyam na basyo ng bala ang narekober sa lugar.
Isinugod ang lalaki sa ospital pero dead on arrival na siya. Ayon sa ina, isa umanong DJ ang biktima at papunta sa isang gig bago ang insidente. Patuloy ang hot pursuit operation para mahuli ang mga salarin.