Ang isang 32-anyos na lalaki ay naaresto matapos magpanggap na pulis para takutin ang babaeng pinagkakautangan niya ng P20,000 sa Barangay East Rembo, Taguig City. Nangyari ito pasado alas-11 ng gabi noong Hunyo 30. Ayon kay PMaj Cherrylyn Agtarap, nagsumbong agad ang biktima sa mga nagpapatrolyang pulis sa lugar.
Nang lapitan ng mga pulis, nakita nila ang lalaki na nakasuot ng jacket na may pekeng logo ng PNP. Hiningan siya ng PNP ID, pero wala siyang naipakita. Nakuha sa kanya ang isang Caliber .45 na baril, isang sachet ng hinihinalang ilegal na droga, cellphone, dalawang two-way radios, at ang pekeng uniporme.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong usurpation of authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Paalala ni PMaj Agtarap na maging maingat sa mga nagpapakilalang pulis at tiyaking lehitimo ang mga ito.