Ang isang dating Filipino teacher sa Alberta, Canada na may kaso ng child exploitation ay pinaniniwalaang nagtago na dito sa Pilipinas. Ayon sa ulat ng CTV News, sinabi ng Alberta Law Enforcement Response Teams (ALERT) na posibleng nakaalis na ng Canada ang suspek na si Jimmy Buena, 47 taong gulang.
Si Buena ay kinasuhan dahil sa pag-access, pag-iingat, at pagpapadala ng child pornography. Ayon sa ALERT, nag-upload umano siya ng child sexual abuse materials sa Facebook.
Pahayag ni ALERT Staff Sgt. Alison Church, wala pang impormasyon na may estudyanteng sangkot sa kaso. Nilinaw ng ALERT na online activity lang ang iniimbestigahan.
Sinabi ni Church na kahit may charges na laban kay Buena, tuloy-tuloy pa rin ang masusing imbestigasyon lalo na sa mga nakuha nilang gamit pang-teknolohiya.
Naniniwala ang ALERT na umalis na ng Canada si Buena at kasalukuyang nasa Pilipinas. Tiniyak din nilang aarestuhin siya pagbalik sa Canada.