Ang mag-live-in partner na nagtatrabaho sa isang poultry business sa Barangay Mayamot, Antipolo City ay arestado matapos kunin ang halos P600,000 kita ng kanilang amo. Ayon sa pulisya, ang mga suspek, isang 25-anyos na lalaki at 21-anyos na babae, ay bigla na lang nawala noong Sabado, June 28. Akala ng amo, bumili lang sila sa labas pero hindi na bumalik at napansin niyang nawawala na ang malaking halaga ng pera.
Nagreport ang 34-anyos na biktima sa mga pulis. Sa imbestigasyon, nalaman na umuwi na pala ang dalawa sa Bayawan City, Negros Oriental. Nagbuo agad ng tracker team ang mga pulis ng Rizal at Negros Oriental at hinuli ang mga suspek noong Lunes, June 30.
Sa nakuha nilang pera, P100,000 lang ang nabawi dahil ginamit na raw nila sa pamasahe at pasalubong. Aminado ang mag-live-in sa ginawa at humingi ng tawad. Ayon sa babae, desperado lang silang makauwi dahil may bata silang iniwan.
Nakakulong na ngayon ang dalawa sa Antipolo City Police Station at nahaharap sila sa kasong Qualified Theft.