
Ang sunog sa Barangay Rosario, Pasig City ay tumupok sa 100 bahay nitong Lunes ng gabi, June 30, 2025. Umabot sa 131 pamilya o mahigit 500 katao ang naapektuhan. Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog na tumagal ng halos tatlong oras bago naapula. Mahigit isandaang firetrucks ang rumesponde kasama ang mga private volunteers at local government units. Wala namang nasugatan o namatay, pero isang lalaki ang nahirapang huminga sa kapal ng usok.
Maraming residente ang walang naisalba maliban sa sarili nila. Ayon kay Niño Garde, “Sinalba namin buhay namin, kaya wala na kaming naisalba. Balik trabaho na lang.” May ilan ding hindi na nakapasok sa bahay tulad ni Gina Boco, na inabutang tumatakbo ang kanyang pamilya. Si Analyn Dela Cruz naman, tiniyak na mailigtas pati ang kanyang mga aso.
Naging hamon sa Bureau of Fire Protection ang pag-apula dahil sa makapal na usok. Gumamit sila ng Self-Contained Breathing Apparatus o SCBA. May mga pagsabog ring narinig na galing sa mga electrical wirings at LPG. Karamihan sa mga bahay ay gawa sa magagaan na materyales, kaya mabilis kumalat ang apoy.
Inilikas ang mga residente sa Barangay Manggahan covered court. Ayon kay Chairman Quin Cruz, handa silang tumulong dahil walang hangganan ang pagtutulungan sa sakuna. 20 aso rin ang nailipat sa animal shelter ng evacuation center. Sabi ni John Mark Martinez, “Mas malaking biyaya ang babalik. Pagsubok lang ito.”
Namigay na ng sleeping kits, hygiene kits, at pagkain ang lokal na pamahalaan. Naghahanda rin ang DSWD at LGU ng financial assistance. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala.