Ang Land Transportation Office (LTO) ay maglulunsad ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga sasakyang hindi rehistrado at delikado gamitin sa kalsada. Ayon kay LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at suportado ni DOTr Secretary Vince Dizon para sa mas ligtas na daan.
Naglabas na ang LTO ng memorandum noong Hunyo 16 na naglalaman ng mga alituntunin ng operasyon. Target nilang simulan ang nationwide crackdown sa Agosto 2025. Babala ni Mendoza: ang mga hindi sumusunod ay posibleng dumaan sa mas mahigpit na proseso ng rehistro at pagkumpuni ng sasakyan bago ito muling payagan sa kalsada.
Ayon sa batas, mga sasakyang may expired na rehistro ay maaaring kumpiskahin at pagmumultahin ng ₱10,000, at dapat munang dumaan sa roadworthiness inspection bago maibalik. Ang mga may sirang windshield, kalbong gulong, nakalawit na parte, o sobrang usok ay ituturing na hindi ligtas gamitin at hindi rin papayagang bumiyahe.
Dagdag pa ni Mendoza, may mga nakamamatay na aksidente noon na dulot ng depektibong parte ng sasakyan. Kaya’t layunin ng LTO na bawasan ng 35% ang road crashes sa bansa pagsapit ng taong 2028.
Ayon sa datos ng WHO, humigit-kumulang 1.3 milyong tao ang namamatay bawat taon sa aksidente sa daan, at sa Pilipinas, umaabot sa 32 katao kada araw ang nasasawi. Kaya't panawagan ng LTO sa mga motorista: siguraduhing ligtas at rehistrado ang sasakyan para sa kaligtasan ng sarili at ng pamilya.