
Ang Collegiate Press Corps (CPC) ay magdaraos ng Awards Night para kilalanin ang mga standout players at coaches mula sa UAAP Season 87 at NCAA Season 100. Gaganapin ito sa Discovery Suites Manila sa Ortigas, Pasig. Bibigyang pugay ang mga atleta at coach na nagpakita ng galing sa buong season.
Pinangunahan ni Clint Escamis ng Mapua ang listahan ng mga pararangalan bilang CPC Men’s Basketball Player of the Year matapos niyang tulungan ang Cardinals makuha ang unang titulo matapos ang 33 taon. Kasama niya si Kacey Dela Rosa ng Ateneo na tinanghal namang Women’s Basketball Player of the Year dahil sa kanyang husay na nagdala sa Blue Eagles sa Final Four at back-to-back UAAP MVP.
Mapupunta naman ang UAAP Men’s Basketball Coach of the Year kay Goldwin Monteverde ng UP matapos ibalik ang Fighting Maroons sa tuktok. Si Randy Alcantara ng Mapua ang NCAA Men’s Basketball Coach of the Year. Sa volleyball, tatlong beses na itinanghal na UAAP Women’s Volleyball Player of the Year si Bella Bellen ng NU habang si Zam Nolasco ng Benilde naman ang NCAA Women’s Volleyball Player of the Year.
Mula football hanggang volleyball, binigyang parangal ang mga MVP gaya nina Mon Diansuy at Carmela Altiche mula FEU at Amir Aningalan ng San Beda bilang kauna-unahang Football Players of the Year. May espesyal ding pagkilala para sa NCAA sa kanilang 100 taon ng pagbibigay sigla sa sports sa bansa.