
Ang “For Sale” na tarpaulin na nakabitin sa gate ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City ay inalis na. Unang nakita ang tarp noong Sabado sa bahay ni Duterte sa Doña Luisa Village, Barangay Matina.
Sa panayam sa DZRH, kinumpirma ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña na ibinebenta talaga ang bahay at lupa. “Masakit sa dibdib ko tuwing pumapasok ako. Ako na lang mag-isa doon. May apat na katulong pero walang amo. Iniwan na namin matapos ang nangyari,” sabi niya sa text.
Dagdag ni Honeylet, hindi na siya makatulog sa bahay dahil inutos ng mga abogado na maglagay ng CCTV kahit sa loob ng kuwarto.
Pagsapit ng Linggo ng umaga, napansin ng mga residente na wala na ang tarpaulin.