Ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ay nanawagan sa gobyerno na simulan agad ang pagsisid sa Taal Lake para hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang hiling na ito ay matapos may testigong nagsabi na doon inilibing ang mga bangkay ng mga biktima.
Ayon kay Mang Aurelio, tiyuhin ng dalawang batang nawawala, dapat nang magpadala ng divers sa lawa kung totoo ang impormasyon. Umapela rin siya sa Department of Justice (DOJ) na bantayan ang lugar dahil may takot silang baka takpan ng mga sangkot na malalaking tao ang krimen.
Nanawagan din siya sa mga testigo na magsalita at ibigay ang lahat ng alam nila. Hiniling din niya sa isang female celebrity na makipagtulungan sa mga pulis para makamit ang hustisya. Nasa 14 at 17 taong gulang lang ang kanyang mga pamangkin nang mawala sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna noong Disyembre 2021.