
Ako si Gilda, 28 anyos, at mag-iisang taon na kaming kasal ng asawa ko. Sa totoo lang, hindi ko akalain na ganito pala ang buhay may asawa—lalo na kung ang napangasawa mo ay isang certified spoiled unico hijo.
Ngayon, buntis na ako sa una naming anak. Akala ko noon, mas magiging responsable siya kapag may darating na bagong miyembro ng pamilya. Pero parang mas lalo lang siyang naging kampante. Araw-araw siyang umaalis ng bahay, dala ang sasakyan, pero hindi naman para maghanap ng trabaho o kahit tumulong sa negosyo nila. Diretso lang siya sa barkada. Minsan, uuwi na lang siya kapag dis-oras na ng gabi, amoy alak at pulutan.
Sa una, pinipilit ko intindihin. Baka raw nag-aadjust pa siya sa pagiging asawa. Baka nai-stress sa mga pagbabago. Pero habang tumatagal, napansin kong ako lang yata ang ini-stress niya.
Naiinggit ako minsan sa ibang buntis na asawa, yung may kaagapay sa pag-aasikaso ng mga kailangan, may katuwang sa pag-iipon para sa kinabukasan. Ako? Ang meron ako, isang lalaking puro gala at puro kwento pero walang direksiyon.
Hindi naman sa wala siyang pera. Ang totoo, mayaman ang pamilya niya. Condo na tinitirhan namin? Sagot ng parents niya. Kotseng ginagamit niya? Bigay din nila. Pati mga gastusin namin, buwan-buwan, sagot na rin ng tatay niya. Kaya siguro ganito siya ka-kampante—alam niyang hindi siya mauubusan.
Isang araw, hindi ko na napigilan. Kinausap ko ang mga magulang niya. Sabi ko, sana man lang maturuan siya ng responsibilidad. Pero imbes na maki-ayon sila, ako pa ang napagalitan. “Bakit mo naman pinipilit magtrabaho ang anak namin? Hindi ba’t kaya ka nga namin sinusuportahan para wala kang iintindihing ganyan?”
Nagulat ako. Para bang kasalanan ko pang gustuhin kong matuto ang asawa ko na kumayod. Ang sabi ng tatay niya, business partner daw siya sa kumpanya nila at ang perang ginagamit namin ay galing sa shares niya. Pero kung ganun, bakit wala man lang siyang oras na mag-opisina? Ni minsan, hindi ko siya nakitang nagbukas ng laptop o humarap sa supplier.
Nakakatakot isipin na baka isang araw, mawalan ng saysay ang lahat ng ito. Paano kung malugi ang negosyo? Paano kung magbago ang ihip ng hangin at wala na kaming maasahan? Sa ganitong sitwasyon, anong alam ng asawa ko sa trabaho, sa pag-manage ng pera, sa pagpapatakbo ng sariling buhay?
Kaya ngayon, iniisip ko na baka ito ang tamang panahon para kausapin ko siya nang mahinahon. Hindi para sumbatan, pero para ipaliwanag na kailangan naming maging handa. Hindi habang buhay may tutulong.
Siguro, puwede ko siyang hikayatin na magtayo kami ng maliit na negosyo. Hindi naman kailangan ng malaki agad. Kahit franchise ng convenient store o maliit na cafe. Kahit anong magiging dahilan niya para matutong humarap sa responsibilidad.
Ayoko namang isipin niya na hindi ako marunong magpasalamat sa lahat ng biyayang galing sa pamilya niya. Pero gusto ko rin namang iparamdam na mahalaga ang may sariling kakayahan. Mahal ko ang asawa ko, pero mahal ko rin ang anak naming paparating, at gusto kong siguraduhin na kahit papaano, may hinaharap kami na hindi nakaasa lang sa ibang tao.
Kung minsan, mahirap talaga. Pero siguro, sa tamang pakiusap at tamang timing, maiintindihan din niya kung bakit ito mahalaga. Hanggang doon muna ako umaasa.