Ang pitong Indian at anim na Pilipino na tripulante ay nasagip Lunes ng gabi matapos ma-stranded nang halos tatlong buwan sa barkong M/V Hirman Star sa Iloilo Strait. Naipit sila sa hindi pagkakaintindihan sa Kapitan at may-ari ng barko tungkol sa hindi bayad na suweldo at isyu sa kaligtasan.
Pinangunahan ni Iloilo City Rep. Julienne "Jam" Baronda ang pagsagip matapos humingi ng tulong ang mga crew. Matapos ang limang oras na usapan, pumayag ang Kapitan na makipagkita at maresolba ang problema sa suweldo.
Tiniyak ni Baronda na makukuha ng mga crew ang kanilang bayad. Ang mga Pilipinong tripulante ay tatanggap pa ng P100,000 ayuda mula sa Department of Migrant Workers at OWWA.
Nagpatawag si Baronda ng emergency meeting kasama ang mga opisyal ng DMW, OWWA, Coast Guard, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, at Maritime Industry Authority upang mabilis na maresolba ang sitwasyon.
Tatlo sa anim na Pinoy crew ay taga Tigbauan, San Joaquin, at Estancia, habang ang iba ay mula sa Bacolod City. Nagpasalamat si Baronda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa DMW sa kanilang mabilis na aksyon sa mga stranded na tripulante.