Ang isang taxi driver ay nasawi matapos barilin ng mga hinihinalang holdaper sa Brgy. Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu nitong Miyerkules ng madaling araw. Nakilala ang biktima na si Johnny Burdas, 47 taong gulang, at nakatira sa Brgy. Bankal.
Ayon sa Lapu-Lapu City Police, bandang 1:00 AM, nakarinig ng tatlong putok ng baril ang mga residente. Kinaumagahan, nakita ang taxi na may plakang MRG-1627 na nakaparada sa bakanteng lote. Sa loob, natagpuan si Burdas na may tama ng bala sa dibdib at wala nang buhay, habang umaandar pa ang makina ng taxi.
Sabi ni P/Lt. Col. Christian Torres, una siyang binaril mula sa labas ng taxi at tumagos ang bala sa windshield. Ang sumunod na putok ay tumama sa balikat at malapit sa puso, na agad niyang ikinamatay.
Bagama’t robbery-holdup ang iniimbestigahan na motibo, hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na personal na galit o love triangle.
Sinusuri na ngayon ang CCTV footage sa lugar at may isa nang person of interest na pinaghahanap ng mga pulis.