
Ang bangkay ng isang babaeng masahista na tumangging magbigay ng “extra service” sa kanyang kustomer ay natagpuan ng mga caretaker sa isang farm sa Norzagaray, Bulacan. Ayon sa ulat ng Norzagaray Police, nadiskubre ang katawan noong Hunyo 27 bandang alas-7:30 ng umaga sa bahagi ng Kaypiskal road, Brgy. Tigbe. Nakasuot siya ng itim na shirt at bahagyang nakalibing sa likod ng farm.
Base sa imbestigasyon, pinatawag ng suspek na si alyas “Tano” ang masahistang si alyas “Mari” mula Brgy. San Martin, San Jose Del Monte City. Dumating siya sa kubo ng farm para magmasahe. Nagtalo sila dahil kulang ang bayad ng lalaki at hindi pumayag ang babae na makipagtalik.
Dahil sa galit, sinampal ng babae ang suspek. Gumanti ang lalaki—pinalo siya ng bato, hinataw ng bareta sa ulo, at pinagsasaksak. Pagkatapos, ibinaon niya ang katawan sa lupa para itago ang ginawa.
Natuklasan lang ang krimen nang mapansin ng mga caretaker ang nakaumbok na lupa. Nang hukayin nila ito, bumungad ang bangkay ng biktima. Nakuha rin sa lugar ang pala na ginamit sa pagbaon at ang cellphone ng biktima.
Naaresto ang suspek sa Brgy. District IV, Lemery, Batangas, matapos ang follow-up at hot pursuit operation ng pulisya. Siya ngayon ay nakakulong at nahaharap sa kasong murder.